
Public-domain ebook
Hiwaga ng Pagibig
Tagalog411 downloads on Project GutenbergDownload EPUB
Public-domain ebook sourced from Project Gutenberg #18955.

Public-domain ebook
Tagalog411 downloads on Project GutenbergDownload EPUB
Public-domain ebook sourced from Project Gutenberg #18955.
The opening · free to read
Kung madadama lamang natin ang dibdib ni Leonora, ay ating mararamdaman na para bang lalong lumalakas ang pagkaba. Malakas at masasal na parang tinatahip ang dibdib sa lakas ng tibok ng puso. Parang may sindak, nguni't sa harap pa ba kaya naman ng isang kasintahan masisindak at waring matatakot? Isang hiwaga ang ganito!
Sila'y magkapiling ni Eduardo. Ang kanilang mga puso ay parang nangapiping ilang sandali sa dahilang tila tumagos sa puso ng binibini ang pangungusap na binigkas ng binata. Ang huling katagang binigkas ni Eduardo ay parang nagdulot sa puso ni Leoning ng isang pagkaawa. Nguni't ang pagkaawa niyang yaon ay nangahulugan ng kanyang pagkapipi sa dahilang hindi mabigkas ng bibig ang isasagot, samantalang, sa katotohanan ay di natin nababatid ang mga lihim ng kanilang puso.
At upang matalos naman natin kung bakit ang binibini ay parang sumisikdo ang puso at parang tinatahip ang dibdib ay narito ang dahilan. Siya ay di natin dapat pagkamalang natatakot. Ang nasa harap niya ay si Eduardo, isang uliran, mabait at matimtimang binata. Walang kilos na magaspang at marungis na paguugali.
Nang mga sandaling yaon ay idinadaing niya sa harap ni Leoning ang dalisay na tibukin ng kanyang puso sa dahilang sinisinta niya nang tapat si Leonora.
--Leoning, malaon nang ang palad ko ay nasa kandungan ng dusa. Nguni't kailan ko pa kaya matatamo ang pagasang maituturing kong ligaya ng aking buhay? Katulad ko Leoning ay isang bulaklak na nalalanta at ang tanging makapagpapasariwa, lamang ay ang hamog ng iyong kaawaan.
Datapwa't ang binibini ay patuloy sa kanyang pagkapipi; hindi pa rin sumasagot, kaya si Eduardo ay muling nangusap.
--Leoning, kailan pa? Maanong sa ngayon ay idulot mo na at kung hihintayin mo pa ang bukas, oh! Leoning, sa aba ko ay wala na! Tila isang libingang napakapanglaw ang kahihinatnan ng palad ko. Kaya, kung may paglingap ka ay igawad mo na ngayon sa akin.
Ang ganitong mga pangungusap na binigkas ni Eduardo ay parang lubos na tumagos sa kaibuturan ng puso ni Leoning. Sa gayon, si Leoning ay nagkaroon ng awa at tila ganap na nahabag sa anyong kanyang namalas kay Eduardo. Naawa siya. Nguni't ang kasagutang bibigkasin ay parang nabitin sa kanyang labi. Pinagaalinlanganan niya ang pagbigkas sa matamis na salitang "OO" para sa isang Eduardo, kaya't pinigil pa rin niya at di binitawan.
Ang mga sandaling yaon ay siyang huling gabi ng kanilang paguusap, at kung maulit man ay maluluwatan na pagka't sa kinabukasan ng araw na yaon ay patungo ng Maynila, si Eduardo, sa dahilang panahon na naman ng pagbubukas ng mga paaralan. Hindi na niya maaaring magawa pa ang dating pagdalaw kay Leoning na walang liban tuwing hapon.
Kaya't boong pagsusumikap ang ginawa ni Eduardo, upang kung maaari lamang tamuhin niya ang kanyang mithing makamtan; ang pagibig ni Leoning bago lisanin ang sariling bayan. Kaya't sa gitna ng paghaharing yaon ng katahimikan ay pamuli siyang nangusap:
--Leoning, ano ang kahulugan ng di mo pagsagot na ito sa akin? Niwawalang bahala mo kaya pagka't akong kaharap mo ay isang abang maralitang Eduardo lamang na di dapat pansinin?
--Eduardo, bakit ka nagsalita ng ganyan?
--Leoning, hindi ba katotohanan ang aking sinabi?
--Eduardo, huwag mong pasakitan ang aking puso. Oo, iniibig kita. Ikaw lamang ang buhay ko.
--Leoning, salamat, diyata...?
--Eduardo, asahan mong boong puso kitang iniibig.
--Leoning!!!
--Eduardo!!!
Walang naitugon ang binata sa dalaga kundi isang halik sa mapulang labi at isang mahigpit na yakap. Kay papalad na mga puso! Salamat at walang nakasaksi sa kanila kundi ang mga bituin at ang kabilugang buwang sa kaliwanagan ay parang nakabitin sa langit.
--Eduardo, baka pagkatapos ng lahat ng ito ay pabayaan mo ang aking palad?
--Leoning, alalahanin mong libingan ang kasasadlakan ko kapag nagmaliw ang aking pag-ibig.
--Eduardo, baka....
--Leoning, maniwala ka.
--Baka sabi mo lamang ang lahat ng iyan.
--Leoning, malasin mo ang mga bituin, malasin mo ang buwang iyang nagsasabog ng kaliwanagan--iyan, iyan ang mga tangi kong saksi.
--Masasaksi mo nga iyan; nguni't hindi mo ba naaalaala na ang buwang iyan ay naglalaho kung sinasaputan ng ulap? Ganyan din naman ang iyong pagibig na mangyayaring maglaho pagdating ng panahon.
--Huwag mong pahirapan ang aking puso. Alalahanin mong ang puso ko ay katulad ng isang bulaklak na kapag hindi nadilig na isang umaga ay nalalanta; kaya't kung malanta nga ang paglingap mo, ay! sa aba ko ay wala nang pagasa kundi ang tunguhin ang huling hantungan ng lahat.
--Eduardo, ang lahat ng iyan ay masasabi mo; nguni't pagdating mo marahil sa Maynila, ay pawi nang lahat sa iyong alaala ang mga pangungusap mong iyan sa harap ko.
--Leoning, balintuna ang iyong hinagap. Alalahanin mong sa kaibuturan ng puso ko ay isa kang bulaklak na pinakakaingatan at laging dinidilig ng aking pagmamahal.
--Eduardo, marahil ay malilimot mo rin ang lahat ng iyong mga pangungusap. Kung nasa piling mo na marahil ang magagandang bulaklak sa Maynila, na, pugad ng mga pusong uhaw sa hamog ng ligaya ay lilimutin mo na ang lahat ng ito.
--Leoning, huwag mong pangarapin ang ganyang mong hinala; alalahanin mong ang paglisan ko bukas ay nangangahulugan ng mapait na gunitain.
--At marahil, sa paglisan mong iyan ay limot mo na ako sa alaala.
--Leoning, alamin mo na mula sa mga sandaling ito ay nakatitik na sa kaibuturan ng aking puso ang iyong pangalan.
--Oo, nguni't pagdating sa Maynila, ay pawi na.
--Leoning, namamali ka; ang sabihin mo'y hanggang libingan.
--Hanggang libingan na di mo na maaalaala ang iyong pangako? Marahil nga....
--Leoning, saan man mahantong ang aba kong palad ay di maaaring mawalay sa gunita ko't alaala ang larawan mo.
--Isinusumpa mo kaya ang lahat mong mga pangungusap na iyan?
--Leoning, sumpa ko.
--Hanggang....
The book keeps going
Reading is free forever. Sign up and watch scenes appear while you read.



Scenes Storieta drew for other classics.
New illustrated classics
Once or twice a month: the latest books to get full character casts, scene art, and free comic editions. No account needed.